ANO BA ‘YAN! (Mga Hugot ng Nagmamahal sa Bayan)

(Now Playing: “Kung wala ka nang maintindihan…”)

Maraming mga bagay na kung hindi natin naiintindihan, dinaaraan na lang natin sa mga “hugot.” Kung baga, ito ang paraan ng pagtatapat ng ating tunay na nadarama. Minsan nakakatawa, madalas naman ay nakakabadtrip. Subalit sa huli, sa mga “hugot” kong kadalasan ay tungkol sa mga kasawian natin sa lipunang ating ginagalawan ay napatunayan ko ang isang bagay.

Patuloy at patuloy akong huhugot ng aking mga karanasan tungo sa aking paglalakbay sa buhay.

1.) Ang tunay na pagbabago sa bayan,
Parang pag-ibig lamang ‘yan
Hangga’t handa mong pagbuwisan ng buhay
Nang tapat at tunay
At walang pag-aalinlangan
Tiyak na ito’y iyong makakamtan.

2.) Sino ba talaga ang tunay na mga iskolar ng bayan?
Sila bang mga anak ng mga manggagawa
O ‘yung mga anak ng mga ng mga taong ginagawang
Gatasan ang pagod ng sambayanan?
(Tanong lang po. Hehe!)

3.) Galit na galit tayo sa mga “paasa”
Lalo na sa mga taong “pinapaasa”
Ang mga dapat sana’y “pag-asa”
Kaya’t huwag na tayong “umasa”
Sa mga taong ang alam lang ay “magpasasa”
At tubo’t kita rin lamang ang kanilang laging “nasa”
Hindi natin sa kanila “iaasa”
Ang kapalarang naghihintay para sa minamahal nating “masa.”

4.) Kung hindi marunong rumespeto sa kababaihan
At sa ina’t pamilya’y walang ipinapakitang paggalang
Aba, ineng, (masasayang ang ‘yong kinabukasan) mag-isip nang maigi
Matibay (gwapo) man sa paningi’y madalas ay marupok ang ganyang mga haligi.

5.) Kung ang “pagmomove-on” ay idadaan lamang sa paglimot
At pagpapanggaping hindi na “masakit” ang bawat sugat at kirot
Teka, hinay-hinay naman, aking sambayanan
Kahit sa “libinga’y” walang ganap na kapayapaan
Kung ang “saysay” ng kasaysayan
Ay bababuyin, yuyurakan at lilimutin na lamang.

6.) Nakaputi’t nakabarong madalas ang mga bangkay na kaagapay
Walang lamok ang dapat padapuin ang mga bantay
Araw-gabi’t salapi ang nasa isip
“Lumangoy” sa yaman ng bayan ang laging panaginip
Utas ang magtatanong, mauupos ang lalaban
Sadyang “hayahay” ang buhay ng mga may “Honorable” sa pangalan.

7.) “Ginto” na ang bigas
Maging lahat ng mga bilihi’y nagtaas
Pero sahod ko pa ri’y hindi makabili kahit “brief” na butas
Sadyang nakakahapo, nakapapagal
Ganito pala talaga kasakit kapag ika’y “nagmamahal.”

8.) “Ikaw” raw ang wika ng pagkakaisa
Subalit bakit tila “ikaw” ang pinagkaisahan?
“Kaluluwa” ng bayan, “simbolo” ng kapayapaan
Oh, “Filipino,” batid mo pa ba ang daan tungo sa iyong tunay na kalayaan?

9.) Huwag ka raw magmahal ng isang “sundalo,” sanay raw sa karahasan.
Umiwas ka raw sa isang “negosyante,” baka raw ika’y pagsamantalahan.
Mag-ingat daw kung iibig ka ng “politiko” at baka bilugin ang iyong ulo.
Pero hindi naman daw bawal magmahal ng “guro,” dahil mapait man ang daan tungo sa kanyang puso,
Hindi lamang niya “ituturo” ang landas sa kaligayahan, sasamahan ka pa niya hanggang sa dulo.

10.) Kung digmaan na lamang ang natitirang solusyon
Upang kumawala ang bayan sa dantaong ilusyon
Na ang kapayapaa’y nasa pagsasamantala’t militarisasyon
Halika’t samahan mo ako at magmula ngayon
Babaguhin natin ang kapalaran tungo sa ating panata’t pag-ibig
Panahon na ng tunay na rebolusyon!

 

Note: Ito ay opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 8.   www.sba.ph.

1 thought on “ANO BA ‘YAN! (Mga Hugot ng Nagmamahal sa Bayan)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *